I sang my song that was never appreciated... I sang still and waited... Until somebody listened... And we made music.
Tuesday, August 10, 2004
ANG TRAFFIC, ULAN AT IKAW
Pwede ko na sigurong iguhit ang mga mukha na kaharap ko. Bukod sa matagal ko nang natitigan ang bawat anggulo nila ay bilang na bilang din kasi ang kilos na ipinamamalas nila sa tagal ng pagkakaupo namin sa loob ng dyip na ito. Napabulalas na ng BWISIT sabay hagod sa batok ang katabi ko nang may lumapit na pulis sa tsuper. Hinihingan ng lisensya, bagay na lalo pang nagpatagal sa takbo ng byahe namin. Ang isa pa, nagkasya na lamang sa lambitin ng kamay na nagsilbing unan habang nahihimbing sa sandaling hindi pa napaparoon sa bababaan. Makailang tsk-tsk na ang ginang na mukhang hindi pa nakapagluluto ng ihahain sa hapag-kainan ng mag-anak. Himbing pa ang iba. Marahil ay batid nilang oras pa ang aabutin bago pa man din kami makausad at makalagpas sa tulay na ito. Ang trapik! Inaasahan kong pag-uwi ko ay bihis at deretso higa na ang gagawin ko.
Hay. Nakakainip angtrapik. Nakakabugnot. Nakakabuwisit. Nakakapanggigil ng laman. Wala akong mahagilap na traffic enforcer sa daan. Madami-dami na ang naglalakad - mga taong kung hindi nabuwisit ay ayaw mabuwisit sa pagkakaipit sa trapik. Ako, yumukod upang sumambit ng munting dasal. Nais ko ng madali ang byahe ko pauwi at mayakap ng tuluyan ang napakalambot kong mga unan. Nais ko ng makapagpahinga sa aking TAHANAN.
At habang tinatahak ko pa ang daan pauwi, ikaw ang napagsisino ko sa aking isipan. Nangingiti ako. Nagmumukha tuloy akong tanga habang umuukit muli ang sandaling kapiling KITA minsang ako'y pauwi rin. Sa lamig na dulot ng panahon noon (at gaya ngayon) - o hindi kaya ng aircon ng sasakyan? - malaking ginhawa na may halong kilig ang hawakan mo ng mahigpit ang aking mga kamay. Hindi ko mawari kung ano ang gagawin ko nang hagurin mo ang aking likod at tuluyang yakapin. Ang maimpis mong mga labi na walang pasubaling sa batok ko'y dumadampi, hindi ko maitatangging iyo'y natatangi. Sabi mo pa nga, "Sabihin mo kung hindi OK sa'yo, tatanggalin ko." Hangal akong magsasabing HINDI dahil matatamis ang mga sandaling iyon. Tumitigil ang mundo ko sa pag-inog sa tuwing pinupupog mo ng mumunti mong mga halik ang aking kaliwang palad. Gusto kong mawalan ng ulirat at magpakulong sa iyong mga bisig. Gusto kong manatili sa tabi mo. Ayoko ng lumipas ang sandaling ito.
Nalalapit na ang aking pamamaalam. Sa pag-ibis ko, nais kong ipaalam na babaunin ko ang alaala ng karampot na sandaling pinagsaluhan natin sa sasakyan. Sa kabila ng pangambang nadarama ko dahil magkakalayo tayong muli, namumutawi pa rin ang ngiti sa aking labi. Ito ang ngiting tanda ng aking pasasalamat. Umaasa akong hindi ito ang huli. Patuloy akong mananabik sa muli nating pagkikita. Nais kong ikaw ang maging aking tahanang babalikan - ikaw na syang matiyagang maghihintay sa aking pagdating sa tuwing bumubuhos ang ulan at malamig ang panahon. Ano mang landas ang tahakin ko at matagalan man ang pag-usad ng byahe ko, wala akong pag-aalala dahil alam kong ikaw ang sadya ko. Ikaw lamang.
Salamat at ipinadama mo ang kakaibang damdaming ito. Hanggang sa muli.
"Ma, para! Pakitabi lang po!"
Subscribe to:
Posts (Atom)